TINUPAD ni Willie Revillame ang pangako sa kanyang mga staff ng Wil Time Bigtime na ibabakasyon niya ang mga ito sa Macau sakay sa kanyang bagong biling eroplano.
Binanggit niya ito minsan sa kanyang programa at lumipad sila nu’ng Linggo sa kanyang WilFly plane.
Dalawang batch ito dahil sobrang dami nila, kaya inaayos niya ang isa pang schedule ng biyahe para sa susunod na grupo ng mga tauhan na isasama niya sa bakasyon.
“Lahat, gusto ko silang ibakasyon, pati mga karpintero dahil lahat sila, may naitulong para maging successful ang show,” pahayag ng kontrobersyal na TV host.
Isa ito sa selebrasyon niya dahil Independence Day niya nu’ng September 11.
Habang inaalala ng Amerika ang 9/11 tragedy sa World Trade Center, Independence Day iyun ni Willie dahil iyun ang araw na natapos ang kontrata niya sa ABS-CBN 2.
Wala na siyang problema sa dati niyang TV network. Kasabay nito ay na-dismiss na rin ang mga kasong isinampa sa kanya ng ABS-CBN 2.
“Hindi naman ‘yung i-celebrate ko talaga. Syempre, nalulungkot din ako. Pero mas nagpapasalamat ako ngayon dahil nandiyan ang TV5 na iba talaga ang alaga at pagmamalakasakit nila sa akin at sa show namin,” lahad ni Willie.
Hindi ipinagkait ni Willie ang blessings na dumarating sa kanya, kaya ibinahagi niya ang mga ito sa mga tauhan niya, lalo na iyung mga kasamahan niya sa Wowowee na sumama sa kanya nang umalis siya sa Dos.
Ang dami palang nagsamahan sa kanya mula sa Business Unit head, EP hanggang sa mga labandera at plantsadora ng mga costume nila.
Lahat iyun ay kinuha ni Willie kahit wala siyang naipangakong magkano ang ibibigay niyang suweldo.
Nakausap namin ang ilan sa mga staff na nakasama niya at sinabi nilang hindi nila iniisip kung makapagtrabaho ba sila o magkakaroon ba sila ng show sa lilipatan ni Willie.
Basta, gusto lang nilang sumama sa naturang TV host dahil nakita nila ang malasakit nito sa kanilang lahat.
Kaya sinuwerte naman at maganda na ang kalagayan nila sa TV 5. Ini-enjoy na nila ang mga biyayang dumarating sa kanila.
Sabi ni Willie, hindi puwedeng siya lang ang magtamasa ng mga biyayang dumarating sa kanya, kundi dapat lahat ay mabahaginan.
Isa na rito ang pagbigay ng bakasyon sa lahat na mga nakatrabaho niya.
Hindi na rin muna nagbigay ng komento si Willie sa napapabalitang paglipat ni Mariel Rodriguez sa TV5.
Makahulugan ang mga sagot ng asawa ni Robin Padilla, lalo na’t kapansin-pansing parang wala itong gana sa kanyang hosting sa Happy Yipee Yehey.
Ang pagkakaalam namin, hindi lang si Mariel ang nagpaparating ng feelers na lumipat sa TV 5 kundi pati si Valerie Concepcion.
Pati si Pokwang ay tapos na rin ang kontrata sa ABS-CBN 2 kaya marami rin ang naintriga sa palitan ng tweet nila ni Mariel.
Nakakaintriga ang palitan ng tweet nina Mariel at Pokwang nu’ng September 7 kung saan tinanong ni Pokwang si Mariel kung saan ito pupunta.
Sinagot naman ni Mariel na hindi ito kalayuan kaya lang matrapik, “pero okay lang basta masaya,” bahagi ng tweet ni Mariel na niyaya pa niya si Pokwang kung type nitong sumama.
Nag-tweet si Pokwang kung itong lugar daw ba ay may mga red car na naghihintay sa gate.
Obvious na TV5 ang tinutukoy nito dahil pula ang kulay ng service car nila.
Hindi sinasabi ni Willie kung welcome ba si Mariel sa Wil Time Bigtime pero posibleng maging co-host niya ito sakaling matuloy ang paglipat ng TV host/actress.
Sakaling matuloy rin sina Valerie at Pokwang, makakasama rin kaya sila sa Wil Time at ang ending eh parang naibalik ang dating Wowowee?
Abangan!
0 意見:
張貼留言