2011年9月20日 星期二

PNoy, nagtungong US upang ipagmalaki ang bansa 總統訪美 讚譽菲律賓


Sa pag-alis ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III patungong Estados Unidos gabi ng Linggo, kanyang ipinangakong ipagyabang ang pagsisikap ng bansa sa transparency at global competitiveness.
Ayon sa ulat ng radio dzBB, Linggo ng 10 p.m. naka-alis ang pangulo sakay ang Philippine Airlines PR-104 flight. Inaasahan siyang makararating sa San Francisco gabi ng Lunes.
Dadalo ang pangulo sa paglulunsad ng Open Government Partnership (OGP) upang hikayatin ang ilang mga negosyante na mag-invest sa Pilipinas.
Malakas ang kanyang loob na sa pagiging miyembro ng OGP, mas mabibigyang pansin ang bansa.
Ayon kay Aquino, "Sa pagbisita nating ito, maipapahayag natin sa buong mundo ang tinatamasang sigla at kumpiyansa ng Pilipinas tungo sa pagginhawa ng mga Pilipino."
"Ibabahagi natin sa kanila ang pinakamahalagang leksyon na natutuhan natin nitong mga nakaraang panahon: na ang tapat at mabuting pamamahala ay nagbubunga ng maayos na ekonomiya," aniya.
"Taas-noo nating ihahayag ang katuparan ng ating paninindigan: sa pagsugpo ng katiwalian, maiibsan ang kahirapan," dagdag pa niya.
Kanya ring ipinahayag ang kanyang pagnanais na makapag-uwi ng mabuting balita para sa bansa.
"Yaman din lamang na bibisita tayo sa Amerika, hindi na po natin palalampasin ang oportunidad na makipagdiyalogo sa mga negosyante doon, upang mamuhunan pa sila lalo sa Pilipinas," ani Aquino.
Ani Aquino, "Muli’t muli po nating ihahayag sa kanila na bukas at maaliwalas na ang ating bansa sa larangan ng pagnenegosyo; sa malinis na pamamalakad ng kasalukuyang gobyerno, patas ang magiging laban para sa mga itatayo nilang negosyo, at hindi masasayang ang kanilang pagtitiwala sa atin pong bansa."
"Mahalaga po ang pamumuhunan nila dito: sa bawat negosyong ipapatayo nila sa bansa, maraming trabaho ang malilikha na magbibigay ng kabuhayan sa mga Pilipino," dagdag niya.
Dagdag pa nito, plano rin ni Aquino na bisitahin ang komunidad ng mga Pilipino sa Washington D.C. upang pasalamatan sila sa kanilang suporta.
Aniya, “Hindi magbabago ang ating paninindigan at nakahanda tayong ipagsigawan sa mundo: marangal, tapat, at may disiplina ang mga Pilipino, handa itong makipagsabayan sa anumang larangan at makipagbayanihan sa ibang bayan."
"Sa ating walang patid na pagtatrabaho para sa kapakanan ng mas nangangailangan, walang makapipigil sa pagginhawa ng ating bansa at ng nakakaraming Pilipino," dagdag niya. — AF/RSJ, GMA News

0 意見:

張貼留言