2011年9月14日 星期三

Pacquiao: Goodbye boxing sa 2013 巴喬宣佈後年退休


Pagkatapos ng nakatakda niyang laban kay Mexican challenger Juan Miguel Marquez sa Nobyembre 12, hanggang dalawang bakbakan na lamang ang matutunghayan ng sambayanang Filipino kay world boxing champ at Sarangani Cong. Manny Pacquiao dahil isasabit na nito ang kanyang boxing gloves sa 2013.
Sa ambush interview kay Pacquiao kahapon sa Kamara, kinumpirma nito na magreretiro na siya sa 2013 lalo na kapag nanalo siyang gobernador ng Sarangani.
“Nagpaplano na,” pahayag ni Pacquiao dahil nakuha na umano nito ang lahat ng nais nito sa boksing.
“Pero hindi pa naman ngayon, ang retirement ay sa thirteen (2013) pa ‘yun,” pahayag ni Pacquiao na dalawang beses lumalaban sa lonang parisukat kada taon.
Inamin ni Pacquiao na mas gusto niya sa executive dahil, “Action man tayo. Gusto ko ako ang mag-implement ng batas. Hindi tulad dito na mag-file ka ng batas at matagal.”
Kapag naging gobernador na umano ito, kaila­ngan na niyang magretiro dahil nangangailangan ng matinding pagtutok sa trabaho ng isang executive tulad ng gobernador.
“Isipin mo ‘pag executive ka na hindi na puwede ‘yung mag-training ka sa ibang lugar, mag-absent ka.
Ibang klase, saka alam mo ‘pag executive ka, ano ka, kailangan seven days, twenty four hours a day ka,” ani Pacquiao kaya kapag naging gobernador na ito ay kailangan niyang magpaalam na sa boksing.
Kaugnay nito, ngayon pa lamang ay nagkukumahog na ang mga partidong pulitikal sa pagkabig kay Pacquiao bilang kapartido dahil itinuturing itong ‘hot commodity’ sa pulitika.
Inamin ni National Unity Party (NUP) exe­cutive director Reginald Velasco na tina-target nilang makuha sa kanilang partido si Pacquiao.
Sa katunayan, kumikilos na umano ang NUP para i-recruit si Sarangani Gov. Rene Dominguez na nasa ikatlo at huling termino na para walang balakid sa pagtakbo ni Pacquiao bilang gobernador ng lalawigan.
Sa panig ni Liberal Party (LP) secretary ge­neral at Cavite Rep. Joseph Emilio Abaya, inamin nito na nagpahayag na umano ng interes si Pacquiao na sumanib sa administration party.

0 意見:

張貼留言