Huli na ang mga depositor na ito ng LBC Bank na sumugod sa main branch ng bangko matapos mabalitaang ipinasara ito ng Bangko Sentral.
Na-takeover na kasi ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) ang bangko.
Sabi naman ng PDIC ay magsasagawa pa lang sila ng sariling imbestigasyon sa estado ng LBC Bank sa ngayon.
“As of now we don’t have yet the clear picture of what actually happened. We are given a copy of the Monetary Board resolution that says the bank can no longer operate with safety to the depositing public,” sabi ni Cristine Orbeta, vice president ng PDIC.
Ayon sa Bangko Sentral, ipinasara ang LBC Development Bank dahil bangkarote ito.
Hindi na rin kayang tugunan ng bangko ang operasyon at mga obligasyon sa depositor at pinagkakautangan.
Nilabag din diumano nito ang isang cease and desist order sa ilang mga operasyon ng bangko.
Batay sa dokumentong isinumite ng kumpanya sa Securities and Exchange Commission, ang LBC Development Corporation at LBC Properties na kontrolado ng pamilya Araneta ang mayoryang may-ari ng LBC Development Bank.
Si Juan Carlos Araneta ang tumatayong chairman at si Marvin Ayende ang acting president.
Para naman sa depositor na si Mang Benjie na may mahigit kalahating milyong piso sa LBC Bank, mahirap nang magtiwala sa mga hindi masyadong kilalang bangko na mataas ang ibinibigay na interes.
“How can we trust the banks. Rural banks maraming nagsasara. Can you still trust the bank?” sabi ni Mang Benjie.
Pero sabi ng PDIC, maliit lang ang LBC Bank at hindi ito makakaapekto sa buong industriya.
Pinayuhan na lang nila ang mamamayan na piliing mabuti ang pag-iimpukang bangko.
“It’s every depositor’s responsibility to know what is the nature of the bank that you are dealing with. The higher is the return, the higher is the risk,” sabi ni Orbeta.
Sa mga depositor ng LBC Bank, hintayin muna ang abiso ng PDIC kung kailan puwedeng simulan ang proseso ng pag-claim ng insurance na ipapaskil nila sa 20 sangay ng LBC Bank o sa website nila na www.pdic.gov.ph.
Tiniyak ng PDIC na hindi na aabutin ng buwan ang pagri-release ng insured deposit na hanggang P500,000.
Kung sakaling mauwi sa bentahan ng assets ng bangko, paghahati-hatian ito ng mga depositor na lagpas kalahating milyong piso ang deposito.
Mayroong mahigit 320,000 depositors itong LBC Bank at nagkakahalaga ang total deposits nila sa mahigit P6 billion.
Ngayon, dalawa ang posibilidad na puwedeng mangyari. Una, tuluyan nang malusaw ang bangko at ibenta ang ari-arian. Maaari rin siyang ma-rehabilitate sa pamamagitan ng dagdag na kapital.Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino
0 意見:
張貼留言