Tiniyak ngayon ni Pangulong Noynoy Aquino na hahabulin ng kanyang gobyerno ang mga nagkasala at gumawa ng pag-abuso habang nakaupo sa puwesto sa nakalipas na administrasyon.
Sa kanyang State of the Nation Address (SONA), sinabi ng Pangulo na dapat may managot sa isang pagkakamali gaano man katagal at hindi maaaring palampasin o kalimutan na lang.
Ayon kay P-Noy, kung walang mapaparusahan at hindi magbabayad ang nagkasala, mauulit lamang ito sa hinaharap.
Inihalimbawa ng Pangulo ang natuklasang kalokohan sa dating liderato ng Pagcor kung saan gumastos umano ng P1 billion para lamang sa kape.
Tiyak na dilat na dilat pa umano ang mga mata ng mga nasabing opisyal kung nainom ang kapeng nagkakahalaga ng P1 billion.
Hahanapin aniya ng kanyang administrasyon ang mga sangkot na opisyal at pananagutin.
“Ang totoo nga po, marami pang kalokohan ang nahalungkat natin. Halimbawa, sa PAGCOR: kape. Isang bilyong piso po ang ginastos ng dating pamunuan ng ahensya para sa kape; sa isandaang piso na lang po kada tasa, lalabas na nakakonsumo sila ng sampung milyong tasa. Baka po kahit ngayong iba na ang pamunuan ng PAGCOR ay dilat na dilat pa rin ang mata ng mga uminom ng kapeng ito. Hanapin nga po natin sila, at matanong: nakakatulog pa po ba kayo?” ani Pangulong Aquino.
0 意見:
張貼留言