2011年7月13日 星期三

Imelda Marcos Tanggap Na Raw Na ‘di Maililibing Ang Mister Sa Libingan Ng Mga Bayani

 Hindi na umano ipipilit ni dating First Lady Imelda Marcos – kongresista ngayon ng Ilocos Norte – na maihimlay sa Libingan ng mga Bayani ang kanyang mister na si dating pangulong Ferdinand Marcos Sr.
  Sa exclusive interview ni GMA News reporter Sherrie Ann Torres, sinabi ni Gng Marcos na bagaman masakit sa kanya, at kahit alam niyang kwalipikado ang kanyang mister, hindi na umano niya ipipilit na mabigyan ng heroes burial ang dating pangulo.
  Idinagdag ng kongresista na magiging problema rin umano sa mga nagmamahal nilang kababayan kung ililipat sa Maynila ang mga labi ni Ginoong Marcos mula sa Ilocos Norte.
  Kamakailan ay nagdeklara si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na hindi mangyayari sa ilalim ng kanyang liderato na mailibing sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City, ang dating pangulo.
  Una rito, nagbigay din ng rekomendasyon si Vice President Jejomar Binay na ilibing si Marcos at bigyan ng military honor sa sinilangan nitong bayan sa Ilocos Norte.
  Kahit tinanggihan na maihimlay sa Libingan ng mga Bayani, sinabi ni Gng Marcos na nakatitiyak siyang tanggap naman ang kanyang mister sa langit.
  Sa isang survey na ginawa ng StratPOLLS Inc., lumitaw na pito sa bawat 10 (71.6%) residente sa Metro Manila ang pabor na maihimlay si G Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
  Nitong Marso, nagpalabas naman ng resolusyon ang Kamara de Representantes na pirmado ng 219 mambabatas na nananawagan kay Aquino na payagang mailibing sa Libingan ng mga Bayani si G Marcos.
  Pumanaw ang dating pangulo noong Sept. 28, 1989, sa Hawaii; tatlong taon matapos siyang mapatalsik sa Malacanang sa pamamagitan ng EDSA 1 People Power revolution, na nagluklok sa puwesto kay dating pangulong Cory Aquino – ina ni Noynoy.

0 意見:

張貼留言