顯示具有 Balita Pangbansa 標籤的文章。 顯示所有文章
顯示具有 Balita Pangbansa 標籤的文章。 顯示所有文章

2011年9月28日 星期三

Filipino tourist sa HK, nahulihan ng 26 kls ng heroin 菲旅客偷渡毒品於香港被捕


ILOILO CITY - Isa na namang Filipino ang naaresto matapos mahulihan ng 26 kilograms ng heroin.
Sa report ni Bombo Radyo correspondent Merly Bunda, ang naaresto ay patungo sana sa Hong Kong nang mahuli ng mga otoridad sa Guangzhou, China.
Ang iligal na droga ay nagmula sa Malaysia kung saan dumaan ang Pinoy matapos makaalis ng Pilipinas.
Ayon kay Bunda, $6,000 ang ipinangakong bayad sa Pinoy kung saan nagtagumpay ito sa pagpuslit ng heroin sa Hong Kong.
Nakatakda namang humarap sa korte ang suspek sa darating na Nobyembre 17.
Ang Pinoy tourist ay panglima na sa mga Filipino na nahulihan ng iligal na droga sa Hong Kong ngayong taon.
Una nang naaresto ang isang mag-asawa at isang Filipina na nahulihan ng tatalong kilo ng iligal na droga noong Mayo, habang noong Hulyo isang Pinoy pa ang nahuli sa Hong Kong airport dahil sa pagpuslit ng 5.8 kilograms ng illegal drugs.

2011年9月20日 星期二

14 Pinoy seamen hawak ng pirata sa Africa 14名菲籍船員在西非被海盜綁架


INAMIN ng Department of Foreign Affairs na hawak ng mga pirata ngayon ang 14 Pinoy seamen makaraang hinijack ang kanilang barko sa Lome, Togo sa West Africa.
Ang naturang mga Pinoy ay kabilang sa 23 tripulante ng Cyprus-flagged Mattheos I na inatake ng pirata.
Ayon sa DFA, ipinaalam na sa kanila ng local manning agency ng mga biktimang Pinoy seamen na nasa maayos na kalagayan naman ang mga ito.
Naipaalam na rin umano sa pamilya ng mga biktima ang nangyari sa kanila.
Kaagad na inatasan ni Foreign Affairs Sec. Alberto del Rosario ang Philippine Embassy sa Abuja, Nigeria na makipag-ugnayan sa mga otoridad para sa ligtas na pagpapalaya sa mga Pinoy seafarers.
Maging ang embahada ng Pilipinas sa Oslo, Norway kung saan naroon ang kompaniyang namamahala sa barko ay inatasan na makipag-ugnayan sa principal company ng barko para matiyak na nagsasagawa ng negosasyon sa pagpapalaya sa mga tripulante ng Mattheos I.
Ayon sa International Maritime Bureau na nagmomonitor sa piracy sa buong mundo, pinasok ng mga pirata ang tanker na Mattheos I.
Tumakas ang mga pirata patungo sa hindi malamang lokasyon dala ang mga tripulante ng Cyprus-flagged vessel.
Ayon sa Department of Merchant Shipping ng Cyprus, ang mga crew ng Mattheos I ay mga Pinoy at ang mga opisyal ay Spanish, Peruvian at Ukrainian.
Inihayag ni department director Serghios Serghiou na nagpadala ng security alert ang barko pero hindi na nila ito nakontak.
Samantala, ayon sa Spanish Foreign Ministry, wala pa sa lima ang mga Spaniards na tripulante ng Mattheos I. Remate ANG DIARYO NG MASA

2011年8月12日 星期五

Pinoy Binugbog, Ninakawan Sa Riot Sa London 倫敦暴動 1菲律賓人受傷


Nasugatan ang isang Pinoy na pinagnakawan din ng mga rioters sa Birmingham, United Kingdom, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) kahapon.
  Ayon kay DFA Spokesman Raul Hernandez, nagtamo ng sugat sa mukha ang hindi na pinangalanang Pinoy.
“Nabugbog siya ng grupo ng rioters...ito naman ay ok na siya, he is recovering, he is an outpatient case. Hindi naman malala. Ang nangyari ay ninakawan siya ng kanyang cellphone at relo at dinala rin sa ospital para sa check-up. He was able to come out after some treatment,” pahayag pa ng tagapagsalita ng DFA.

Naipagbigay-alam na rin sa mga kamag-anak sa Pilipinas ng nasaktang Pinoy ang insidente.
  “Ang abiso natin para sa ating mga mamamayan sa Filipino community sa London ay dapat na ma­ging maingat sila at iwasang magpunta sa mga lugar na nangyayari ang riot at umiwas din sa mga business at shopping center, ‘yung tinatawag na high streets, kasi doon nangyayari ang mga looting at nakawan. Ang ating embahada ay mayroon na ring contingency plan at nakahanda ang ating embassy na tumulong sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan,” giit pa ng DFA official.
Sa mga kamag-anakan naman sa Pilipinas na nais mabatid ang kondisyon ng kanilang mga mahal sa buhay na nasa London ay maaaring tumawag sa PHL embassy hotline sa 00447802790695.

2011年8月8日 星期一

Reklamo ng mga OFW vs Pinoy welfare officer sa Jordan, dapat daw maging leksiyon 菲駐約旦官員辱罵移工 輿論要求懲處


MANILA – Umaasa si Senador Manny Villar na mabilis na aaksyunan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang reklamo ng limang overseas Filipino workers (OFWs) laban sa umano’y abusadong Filipino welfare officer na nakabase sa Amman, Jordan.

Ang pahayag ay ginawa ni Villar matapos niyang makausap ang limang OFWs at marinig ang reklamo ng mga ito laban kay Welfare Officer Carmelita Mag-uyon.

Isinumbong nina Raquel Aragon, Lolita Wadia, Noraida Guiamilil, Jhona Mortel at Genevieve Quibedo kay Villar ang paninigaw umano sa kanila ni Mag-uyon sa tuwing ay nagtatanong tungkol sa kanilang kaso at sitwasyon.

Sa kabila ng kanilang reklamo na nakatatanggap sila ng pagmamalupit sa kanilang amo, pinapayuhan pa umano sila ni Mag-uyon na bumalik sa kanilang trabaho.

Sinabi ng senador na dapat magsilbing leksiyon sa pamahalaan ang karanasan ng limang OFWs na umano’y hindi nakakuha ng inaasahang suporta kay Mag-uyon at nakatikim pa ng masakit na salita.

Payo ni Villar, dapat piliing mabuti ang mga opisyal na itinatalagang humarap sa mga magigipit na OFWs sa iba’t ibang bansa.

Giit niya, ang mga itinatalagang welfare officer ay kailangang mahaba ang pasensiya, sanay makipag-ugnayan at tunay na may malasakit sa kapwa Filipino.

Katuwang ang Blas F. Ople Policy Center na pinamumunuan ni dating Labor Undersecretary Susan Ople, inatasan ni Villar ang kanyang mga abogado na tulungan ang mga OFWs kaugnay sa isinampang reklamo laban kay Mag-uyon.

“Ang limang babaeng ito ay nagpunta sa Bahay Kalinga ng ating embahada sa Jordan dahil sila ay mga biktima ng pang-aabuso at pagmamaltrato ng kanilang mga amo. Sa halip na tulungan, nakatikim pa sila ng dagdag na verbal abuse mula sa isang welfare officer na Pinoy pa man din," pagkadismaya ni Villar.

Sinabi naman ni Ople na may lulutang pang mga OFW mula sa Jordan at magsasampa rin ng reklamo laban kay Mag-uyon.

Una rito, tiniyak ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Carmelita Dimzon, na magsasagawa sila ng kaukulang imbestigasyon tungkol sa reklamo laban kay Mag-uyon.

2011年7月29日 星期五

10 Pinoy Nagoyo Sa Saudi 淘金夢碎 10移工在沙國遭欺騙

Sampung overseas Filipino workers na pinangakuang magtrabaho bilang mga mangingisda ang nagulat nang dumating sa Saudi Arabia ay walang trabahong naghihintay sa kanila.
Ito ang impormasyong ipinabatid ng Filipino migrants rights group kaugnay sa kinasapitan ng sampung OFWs sa Saudi na kinilalang sina Richard Mendoza, Jose Alforque, Felipe Batinsela, Ronnie Maro, Arden Unsipedo, Redentor Hubahig, Oliver Perez, Isabelo Salbado, Jupiter Lawan at Henerio Colis  na idineploy ng Placewell International Services Corporation, isang recruitment agency na nakabase sa Maynila at may mga sangay sa Visayas at Mindanao.
Nabatid na pinangakuan ang mga OFWs ng buwanang sahod na 1,500 Saudi Riyal o katumbas ng P17,000; gayung nasa P20,000 ang kanilang ibinayad sa agency bukod pa sa P60,000 umanong kakaltasin sa kanilang sahod  base sa napagkasunduan.
Pero ayon sa mga OFWs, wala silang tinanggap na sahod  pagdating sa Jeddah dahil hinarang sila ng Saudi authorities na mangisda  sapagkat tanging Saudi national lamang ang pinapayagang ma­ngisda sa nasabing bansa.

2011年7月25日 星期一

Initial Report Ng DFA: Walang Pinoy Na Nadamay Sa Oslo Bomb, Gun Attacks 菲外交部:挪威喋血案無菲律賓人傷亡

  Walang Pilipino na naiulat na nasaktan o nasawi sa pambobomba at pamamaril na naganap sa Oslo, Norway, batay sa paunang impormasyon mula sa Department of Foreign Affairs nitong Sabado.
  Sa isang pahayag, sinabi ni DFA spokesman Raul Hernandez, na masusi nilang sinusubaybayan sa pamamagitan ng Philippine Embassy sa Oslo ang naganap na pag-atake sa nabanggit na bansa.
  "Ang ating embahada ay nakipag-ugnayan sa mga lider ng Filipino community  doon at nag-isyu ng advisory sa mga miyembro ng komunidad na agad na makipag-ugnayan sa mga opisyal ng embahada na dapat aware sila sa mga pilipinong nangangailangan ng tulong.” ayon sa opisyal.
Tinatayang 80 katao ang nasawi sa naganap na pamamaril sa youth summer camp sa isang isla sa Norway nitong Biyernes. Bago ang pamamaril, may naganap na pagsabog sa mismong kapitolyo nito sa Oslo kung saan pito ang iniulat na nasawi.
  Ayon kay Hernandez, tinatayang 16,000 Pilipino ang nasa Norway.
  “Wala pa tayong report ng Pilipinong nasaktan o binawian ng buhay. Pero nakikiramay tayo sa pamilya ng mga namatay. Alam natin kung gaano kahirap ang mawalan ng kababayan lalo sa ganitong pagkakataon," pahayag ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado.
  Malaki ang naging papel ng Norway bilang facilitator sa isinagawang usapang pangkapayapaan ng pamahalaan ng Pilipinas sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front.
  Sinabi ni Valte na ang mga Pinoy na may kamag-anak sa Norway ay maaaring tumawag sa DFA hotline 834-4444 kung nais nilang malaman ang kalagayan ng kanilang mahal sa buhay doon.

Epekto Ng Saudization Nararamdaman Na Ng Ilang Pilipino Sa Saudi 沙國改雇本勞導致移工失業

  Simula nang ipatupad ang Saudization, ilang Pilipino ang nagtatrabaho sa Saudi ang nawalan na ng trabaho.
  Una ng nasampulan ang ilang mga Engineers na magbabakasyon sana sa Pilipinas ngunit tinatakan na ng EXIT ang kanilang mga passport sa kabila ng may nakuha silang re-entry visa. Wala namang naibigay na dahilan ang immigration officer kung bakit hindi na sila maaari pang bumalik sa Saudi.
  Bukod pa rito may ilang kaso din ang naitala mula sa iba pang OFWs na sinibak umano sa kanilang mga pinapasukang kumpanya dahil sa umiiral na Saudization.
  Sa ulat na tinanggap ng Migrante Middle East, ilang Pinay nurses rin ang nabigyan na ng termination notice na nagtatrabaho sa government at private hospitals sa Jeddah.
  Dahil dito, inilun­sad na ang Sagip Migrante na naglalayong magbigay ng tulong sa mga nagigipit na OFWs na na-terminate o natanggal sa trabaho at iba pang problema sa kanilang trabaho at employer.

2011年7月1日 星期五

2 Pinoy na sinentensyahan ng bitay sa China, ligtas na sa tiyak na kamatayan

Dalawang Pinoy na sinentensyahan ng bitay sa China ang ligtas na sa tiyak na kamatayan dahil sa kasong drug smuggling.

Kinumpirma ng  Department of Foreign Affairs (DFA) na ibinaba sa habambuhay na pagkabilanggo ang naging desisyon ng Hangzhou Intermediate People’s Court sa dalawang Pilipino, isang babae at isang lalaki na magkasunod na naaresto sa Hangzhou noong oktubre 25 at 27, taong 2008.

Hinatulan ng parusang kamatayan na may two-year reprieve ang dalawang hindi pinangalanang Pinoy na nagsilbing drug mules nang mapatuna­yang nagdala ng mahigit sa 1.2 kilong heroin sa kanilang bagahe papasok sa China.

2011年6月10日 星期五

4 Na OFWs Sa Dubai, Dinukot 杜拜四名菲籍移工遭綁架

Dinukot ng mga hindi kilalang kalalakihan ang apat na overseas Filipino workers sa bansang Dubai. Ayon sa chapter ng alyansa ng Filipino migrants’ rights group sa United Arab Emirates (UAE) natanggap nila ang impormasyon hinggil sa pangyayari ay nagbuhat sa isang kaibigan ng isa sa mga biktima na lumapit at humingi ng tulong.
Dahil sa pangyayaring ito, inalerto ni Nhel Morona, Migrante-UAE secretary general si PHL consulate general Adelio Cruz kaugnay sa pagdukot sa 4 na OFW.
Ayon sa ulat ang apat na OFWs ay nagtatrabaho bilang domestic workers sa Dubai at sapilitan umanong isinakay ng apat na hindi nakilalang kalalakihan sa isang kotseng Mercedes Benz sa Bur Dubai Bus station.
Humihingi naman ng agarang tulong ang OFW na si Jimmy Jacob, ang kaibi­gan ng isa sa apat na domestic helper sa Migrante-UAE para matunton ang pagdukot sa apat na OFW.
Kinilala naman ang tatlo sa apat na OFWs na sina Shirley Valladores; Laga Hata Kornel; Narcisa Suno at ang isa ay isa umanong runaway DH. 

Pinoy Sa China Ligtas Na Sa Bitay 中國菲籍毒犯改判有期徒刑

Nagkaroon na ng pag-asang makauwi ng buhay at makapiling ang mga mahal sa buhay ang isang Pilipino na hinatulan ng kamatayan sa kasong drug trafficking sa China dahil sa ipinakitang magandang asal mula nang mabilanggo noong taong 2008.
Bibitayin na sana noong isang taon si Richard Bianan, tubong Cotabato, subalit sa magandang asal na kanyang ipinakita habang nasa loob ng kulungan ay ipinagpaliban ng dalawang taon ng Republic of China ang hatol sa kanya.
Sa ulat ni Cotabato Congresswoman Nancy Catamco, ang kongresistang tumutulong kay Bianan, ibinaba na ng hukuman sa 15-taong pagkakabilanggo ang ginawad sa dating Overseas Filipino Worker dahil sa kabutihang ipinakikita habang nasa loob ng piitan.
Wala namang mapagsidlan sa tuwa at labis na kasiyahan si Bianan nang makarating sa kanyang kaalaman ang mga tulong na ibinibigay sa kanya ng kongresista at ng Department of Foreign Affairs.
Ayon sa rekord, nadakip si Bianan noong 2008 matapos na ito ay mahulihan ng 91 kapsula ng heroin na may kabuuang timbang na 1,009.3 gramo kung kaya ito ay nahatulan ng kamatayan.
Ayon naman kay Foreign Affairs Undersecretary Esteban Conejos Jr. Malaki ang posibilidad na maibaba sa 15-taong pagkabilanggo ang naunang hatol ng korte sa OFW.

2011年6月1日 星期三

350,000 OFWs Mawawalan Ng Trabaho Sa Saudi! 沙國35萬名菲籍移工失業

  Malamang na mawalan na ng trabaho ang may 350,000 overseas Filipino workers na nasa Saudi Arabia matapos ihayag ng Labor Ministry ng Saudi na hindi na maaaring ire-renew pa ang mga kontrata o employment contract ng mga dayuhang manggagawa kasama na ang milyong Pilipinong manggagawa na nagtatrabaho at nanatili sa Saudi ng anim na taon.
  Ayon kay John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante-Middle East, napaka  seryosong usapin ang bagong patakaran ng Saudi sa mga manggagawang dayuhan na kung saan prayoridad nila ngayon na mabigyan ng trabaho ang mga Saudi nationals.
  Sa ilalim ng Saudization ay kailangang tumanggap ng mga empleyado o manggagawang Saudi nationals ang mga foreign investors, private at locally na nagmamay-ari ng mga kumpanya sa Saudi.
  Ang Saudization ang nagbibigay ng prayoridad sa  mamamayan ng Saudi nationals na walang trabaho ay nabigong ipatupad ng Saudi Labor Ministry makaraan na maisabatas ito 5 taon na ang nakalilipas.
  Umaabot ng hanggang 10 milyong dayuhang manggagawa ang nasa Saudi at ang Pilipinas ang may pinakamaraming manggagawa doon na pumapangalawa ang Pakistan, Bangladesh at iba pang bansa.
  Nag-uumpisa na ring ipatupad sa Japan at Korea ang paglilimitasyon sa pagtanggap ng mga manggagawang Pinoy at iba pang dayuhang manggagawa.

2011年5月20日 星期五

Sa Pagkamatay Ni Bin Laden, Pinas Target Ng Terror Attack 賓拉登之死 恐讓菲國遭恐怖攻擊

Maaari umano na magkaroon ng terror attack sa Pilipinas dahil kilala ang bansang ito na matalik na kaalyado ng America kasunod ng pagkakapatay sa lider ng Al Qaeda terrorist na si Osama bin Laden sa sikretong pag-atake na ginawa ng US intelligence forces sa Islamabad, Pakis­tan.
Sinabi ni ret. P/Director Rodolfo “Boogie “ Mendoza, dating hepe ng PNP–Intelligence Group terrorism expert, malamang na may resbak ang mga tauhan ni Bin Laden kasama ang Jemaah Islamiyah at Abu Sayyaf Group.
Si Bin Laden ang tinuturing na mastermind noong atakihin ang World Trade Center sa New York City at Pentagon District noong September 11, 2001 na ikinamatay ng mahigit 2,000 katao kasama ang libu-libo pang sugatan.
Ayon dito hindi pa natatapos sa pagkamatay ni Bin Laden ang terorismo sa Pilipinas dahil maraming international terrorist organizations ang sumusuporta at nagbibigay ng pinansyal sa mga kamiyembro nitong Abu Sayyaf.
Sa kasaysayan, si Mendoza ay isang intelligence expert ng PNP na tumuklas sa Oplan Bojinka o ang tinatawag na assassination plot laban sa yumaong si Pope John Paul II na bumisita sa Pilipinas noong taong 1995.
At dahil dito, pinakalat na ang buong kapulisan at todo bantay sa mga pangunahing instalasyon ng gobyerno, ganun din sa matataong lugar at sa iba pang mga itinuturing na soft targets ng mga terorista.
Nagsagawa na rin ng karagdagang mga pulis at nagdala ng mga mahahabang armas kasama ang mga K-9 dogs sa mga labas at loob ng US Embassy sa Roxas boulevard sa Maynila. 

2011年3月31日 星期四

Isa Pang Pinoy Nahatulan Ng Kamatayan Sa CHINA 菲國毒犯在中國被判死刑

Parang pinagsukluban ng langit at lupa ang nararamdaman ngayon ng isang Pinoy na nakapiit ngayon sa Guangzhou, China matapos bitayin sina Sally Ordinario-Villanueva, Ramon Credo at Elizabeth Batain
‘’Nagmamakaawa po kami’’ ito ang sambit ng kapatid na si "Anna" na kung maaari ay gawin na ng gobyerno ang lahat ng paraan para mailigtas ang kapatid ko sa parusang kamatayan.’’
“Sana wala na sanang mabibitay pa. At sana naman asikasuhin na ng gobyerno ito iisa na lang ito,” hinaing ni Anna.
Sa edad na 35 ay wala pang asawa ang kapatid ni Anna.
Nadakip ang kapatid ni Anna ng makitaan ito ng 1.4 kilos ng heroin na nakapaloob sa kanyang bagahe noong taong 2008.
Sa lahat ng Pilipinong nahatulan ng bitay sa China, ay siya na lang ang may hatol na kamatayan .At sakaling mang kumpirmahin na ng korte ang hatol, tuloy na ang pagbitay sa kanya.
“Malaking kasalanan talaga iyon pero sana naman ibaba ang sentensya huwag naman bitay. Huwag naman sanang mangyari sa kapatid ko ito, katulad sa tatlong nabitay,” luhaang tugon ni Anna.
Banggit pa ni Anna, napakabait ng kanyang kapatid at wala raw criminal record ang kapatid niya rito sa Pilipinas ginamit lang daw siya ng mga drug syndicates.
 Sa kabuuan ay umaabot ng Pitumpu’t limang Pilipino na ang nahatulan ng kamatayan sa China. subalit, bumaba ang hatol nila sa bitay with 2 years reprieve.
Ang Ibig sabihin, ay ipagpapaliban pa ng 2 taon ang pagbitay.
Ayon naman sa D F A, katumbas ito ng panghabambuhay na pagkabilanggo dito sa ating bansa kung magpapakita sila ng magandang record sa kulungan.

2011年3月20日 星期日

Tubig Sa JAPAN ‘Di Na Pwedeng Inumin 日本飲水污染!

Nagpalabas ng anunsyo ang Japan Health Ministry sa mga residente sa isang bayan na may 20 milya ang layo mula sa nasirang Fukushima Dai-ichi plant sanhi ng March 11 disaster, na huwag uminom sa mga gripo dahil sa pagtaas ng levels ng iodine.
Ang panawagan ay ipinalabas kasunod ng muling maglabas ng usok buhat sa dalawang units ng reactors kung kaya napilitan ang mga manggagawa at nagsisikap na palamigin ang mga ito.
Ang sanhi ng sunod sunod na pag-usok sa Dai-ichi plant ay kasalukuyan pang iniimbestigahan.
Sinabi naman ng gobyerno na ang radiation levels ay maliit pa lamang para magdulot ng panganib sa kalusugan.
Ang epekto ng tatlong magkakasunod na disaster sa Japan ay meron ng malinaw na focus matapos ipaalam ng World Bank na mangangailangan ang bansa ng 235 bilyon dolyar para sa gagastusin nito sa mga damage at sa pagbangon uli na dulot ng trahedya.
Samantala, lumipad na ang Philippines Airlines kahapon para ihatid (PAL) ang 70,000 botelya ng Absolute distilled water buhat  sa Asia Brewery, Inc. bilang panimula ng pagpapadala ng relief goods sa ibat ibang ba­yan ng Japan na grabeng tinamaan ng lindol at tsunami.