2011年7月25日 星期一

Initial Report Ng DFA: Walang Pinoy Na Nadamay Sa Oslo Bomb, Gun Attacks 菲外交部:挪威喋血案無菲律賓人傷亡

  Walang Pilipino na naiulat na nasaktan o nasawi sa pambobomba at pamamaril na naganap sa Oslo, Norway, batay sa paunang impormasyon mula sa Department of Foreign Affairs nitong Sabado.
  Sa isang pahayag, sinabi ni DFA spokesman Raul Hernandez, na masusi nilang sinusubaybayan sa pamamagitan ng Philippine Embassy sa Oslo ang naganap na pag-atake sa nabanggit na bansa.
  "Ang ating embahada ay nakipag-ugnayan sa mga lider ng Filipino community  doon at nag-isyu ng advisory sa mga miyembro ng komunidad na agad na makipag-ugnayan sa mga opisyal ng embahada na dapat aware sila sa mga pilipinong nangangailangan ng tulong.” ayon sa opisyal.
Tinatayang 80 katao ang nasawi sa naganap na pamamaril sa youth summer camp sa isang isla sa Norway nitong Biyernes. Bago ang pamamaril, may naganap na pagsabog sa mismong kapitolyo nito sa Oslo kung saan pito ang iniulat na nasawi.
  Ayon kay Hernandez, tinatayang 16,000 Pilipino ang nasa Norway.
  “Wala pa tayong report ng Pilipinong nasaktan o binawian ng buhay. Pero nakikiramay tayo sa pamilya ng mga namatay. Alam natin kung gaano kahirap ang mawalan ng kababayan lalo sa ganitong pagkakataon," pahayag ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado.
  Malaki ang naging papel ng Norway bilang facilitator sa isinagawang usapang pangkapayapaan ng pamahalaan ng Pilipinas sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front.
  Sinabi ni Valte na ang mga Pinoy na may kamag-anak sa Norway ay maaaring tumawag sa DFA hotline 834-4444 kung nais nilang malaman ang kalagayan ng kanilang mahal sa buhay doon.

0 意見:

張貼留言