2011年7月20日 星期三

Zaldy Ampatuan ibinintang ang dayaan sa halalan sa mga Arroyo 阿帕圖恩指控艾若育於選舉作票


  Sa kauna-unahang pagkakataon, ikinumpisal ni dating ARMM Governor Zaldy Ampatuan na puno ng dayaan ang halalan sa Maguindanao noong 2007.

  “Grabe ang dagdag-bawas sa nangyari sa Maguindanao. Ang alam ko lang umabot sa puntong nagkaroon ng palitan ng official ballots na pati nga ako na taga-Maguindanao during that time nabigla,” sabi ng dating gobernador. 
  Sabi ni Ampatuan, Enero 2007 pa lamang, buo na ang planong lutuin ang resulta ng halalan at ginamit pa umano ang kanyang ama: si dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr.
  Ang promotor umano, si dating First Gentleman Mike Arroyo.

  “Nu'ng time na ‘yun, nasa Century ako, sabi ko, ‘Saan kayo galing’? Sabi nila galing sila sa Makati kasi pinatawag ang tatay ko at si Engr. Norie Unas ni First Gentleman Arroyo. Ang instruction sa kanila kung paano i-zero si Presidente PNoy, na dating senador, Sen. Cayetano at si Sen. Ping Lacson,” sabi ni Ampatuan.
  May paliwanag daw si Ginoong Arroyo kung bakit hindi dapat manalo ang tatlo.

  “Hindi p'wede manalo si PNoy, dahil naging presidente ang nanay, sikat na pamilya, baka may pag-asang maging presidente. Naging presidente nga. Si Senator Lacson, dahil masyadong maingay, dapat patahimikin. Tapos si Senator Cayetano, tinulungan ang tatay maging senador, tinulungan ang kapatid, tapos nu'ng nagpapatulong si GMA, balewala,” sabi ni Ampatuan.
  Sa kanyang sinumpaang salaysay, sinabi ni Ampatuan na may ibinigay na pera si Ginoong Arroyo sa kanyang ama sa naturang meeting.
  Anya, ang mga boto para kina Aquino, Cayetano at Lacson ay idinagdag kay Zubiri.
Kaya't ang tawag niya kay Zubiri ay “Senator from Maguindanao.”
  Ibinunyag ni Ampatuan, nagpadala pa ng dagdag na pera si dating Pangulong Arroyo para maareglo ang iba pang kuwestiyon sa dayaan.
  Tawag din daw ng tawag sa kanya kahit hatinggabi at madaling araw si noo'y Executive Secretary Eduardo Ermita.
  “Ang sabi niya, Zaldy. Sabi ko, ‘Ano yun, sir?’ Ang sabi niya, ‘Dapat masagot nating mabuti 'yang problema na 'yan.’ Sabi ko, ‘Sir, paano ko sagutin? Tinuruan pa niya 'ko ng ganyan-ganyan. Ang sabi ko, ‘Sige, tapos noong ano, sabi niya dapat maayos yan’,” sabi ni Ampatuan.

  “Ang instruction, ayusin. Dahil ‘yun ang instruction sa itaas. Dahil si Secretary Ermita, ang pinaka-boss niya si GMA, klarong-klaro ‘yun,” sabi ni Ampatuan.
  Handa rin daw si Zaldy na tumestigo hinggil dito kahit ang maging kahulugan ay magsaulian sila ng kandila ng dating Pangulo.
  Isa mang bukas na aklat ang iregularidad sa Maguindanao sa mga nakaraang halalan, umaasa si Zaldy Ampatuan na may saysay pa rin ang pagsisiwalat ng kanyang nalalaman para sa paghahanap ng katotohanan.
  Pero higit daw na pakikinabangan ng pamahalaan ay kung mapagsasalita nito ang nagtatagong si Atty. Lintang Bedol na nasira rin daw ang buhay dahil sa dayaan. 

0 意見:

張貼留言