Nagkaroon na ng pag-asang makauwi ng buhay at makapiling ang mga mahal sa buhay ang isang Pilipino na hinatulan ng kamatayan sa kasong drug trafficking sa China dahil sa ipinakitang magandang asal mula nang mabilanggo noong taong 2008.
Bibitayin na sana noong isang taon si Richard Bianan, tubong Cotabato, subalit sa magandang asal na kanyang ipinakita habang nasa loob ng kulungan ay ipinagpaliban ng dalawang taon ng Republic of China ang hatol sa kanya.
Sa ulat ni Cotabato Congresswoman Nancy Catamco, ang kongresistang tumutulong kay Bianan, ibinaba na ng hukuman sa 15-taong pagkakabilanggo ang ginawad sa dating Overseas Filipino Worker dahil sa kabutihang ipinakikita habang nasa loob ng piitan.
Wala namang mapagsidlan sa tuwa at labis na kasiyahan si Bianan nang makarating sa kanyang kaalaman ang mga tulong na ibinibigay sa kanya ng kongresista at ng Department of Foreign Affairs.
Ayon sa rekord, nadakip si Bianan noong 2008 matapos na ito ay mahulihan ng 91 kapsula ng heroin na may kabuuang timbang na 1,009.3 gramo kung kaya ito ay nahatulan ng kamatayan.
Ayon naman kay Foreign Affairs Undersecretary Esteban Conejos Jr. Malaki ang posibilidad na maibaba sa 15-taong pagkabilanggo ang naunang hatol ng korte sa OFW.
0 意見:
張貼留言